Bakit ayaw mo pang mag-asawa? Oo, ikaw tinatanong ko. Matanda ka na kung tutuusin. Ilang taon ka na ba? 25? 27? Bakit ayaw mo pang lumagay sa tahimik? Ano kamo? Di ka pa sawa sa buhay binata? Tsk tsk tsk. Kailan ka pa magsasawa? Kapag sawa na rin ang kapalaran sa paghihintay sa iyo?
May kaibigan nga ako, ganyan na ganyan din ang katwiran. Sing-edad ko siya. Ayaw niya ring mag-asawa pa nun. Magpapakasawa raw siya sa buhay-binata. Palibhasa mapera, gusto munang lasapin lahat ng pwedeng gawin ng isang binata.
Inom, babae, babae, inom. Ganun gawain niya. Halos linggo-linggo, laman siya ng mga bar sa Makati at Libis. May magarang kotse at matikas na porma, kaya lapitin siya ng babae. Daming ipinapakilalang babae sa barkada. Parang nagpapalit lang ng damit kung magpalit ng girlfriend. Katwiran niya, binata naman siya so walang masama sa pamimili.
Suki siya ng mga VIP massage parlors sa buong Metro Manila. Air Force One, Good Life, Starline, Silvanus, Klasmeyts. Kilala siya sa lahat ng iyan. Sabi ko nga sa kanya, maswerte siya’t di siya nagkakasakit sa pagpunta-punta niya dun. Tawa lang siya ng tawa.
Nung 2000, nagpakasal yung isa naming barkada. Inaasar niya. Bakit daw magpapasakal na samantalang masarap magbuhay-binata. Sakit lang daw ng ulo pagpapakasal.
Nung 2002, binyag nung anak ng isa naming tropa. Sa inuman, nangungulit pa siya kasi dalawa na raw bantay nung tropa namin. Lalo ng mababawasan pagsama sa good time.
Nung 2004, best man siya nung isa naming ka-berks.
Last year, nag-ninong siya sa binyag ng panganay ko.
Nagkita kami kahapon, tuwang tuwa siya sa anak ko. Magdadalawang-taon na kasi. Makulit na saka malambing. Bakas mo sa mukha ng kumpare kong ito ang pananabik sa isang bata.
Tinanong ko siya, bakit di pa siya nag-aasawa. Matipid ang sagot niya. Isang simpleng “wala pa akong makitang mapapangasawa…”
Sawang sawa na raw siya sa pagiging binata. Gusto na raw niyang magka-asawa’t anak. Pero ang problema, pag gusto niya na ang babae, ayaw naman nito sa kanya.
Nagkaroon daw siya ng girlfriend na mahal na mahal niya pero niloko lamang siya at sumama sa ibang lalake.
Pinagmasdan ko siya. Medyo mataba na siya at nawala na ang matipunong pangangatawan nung araw. Ang buhok, marami ng uban. Tanda ng pinagdaanang panahon.
Napailing ako. Nanghihinayang sa panahong sinayang niya.
Mayaman siya, oo. Pero di kayang bilhin ng pera ang saya ng pagkakaroon ng isang mabuting asawa at mabait na anak.
Nanghihinayang ako sa mga relasyong pinakawalan niya. May doktora, titser, modelo saka artista. Lahat alam ng buo naming barkada na minahal siya ngunit pinaglaruan lang niya dahil nagpapakasawa siya sa pagkabinata.
Nung papaalis na kami, parang ayaw niyang bitiwan ang inaanak niya. Sabik na sabik na siya sa bata.
Sabik na sabik ng makaalpas sa pagiging binata.