Ipinaskil ni: fperito | Enero 19, 2007

Ang Kabilang Mukha ng Singapore

Flor Contemplacion at Delia Maga. Sila ang naging mukha ng bayang Singapore para sa mga Pinoy nung mid 90’s. Isang pinatay, isa pinagbintangang pumatay. Parehas ng nalimot ng panahon.

Ngayon, mid 2000’s. Iba na ang mukha ng bansang Singapore para sa mga Filipino. Lupain ng oportunidad. Lugar para sa mga tinaguriang IT Pros. Kabilang ako dun.

Mas magandang trabaho, malaking sahod, mas ligtas na bansa. Iyan ang larawan ng Singapore mula sa bayang Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit maraming IT Professionals ang nahihikayat na pumunta dito. Sino nga naman ang di mae-engganyong manirahan sa isang mas ligtas, mas mayaman at mas tahimik na bansang tulad ng Singapore kung ikukumpara sa isang patawiring lipunan na kagaya ng Pilipinas? Pangalawa sa buong mundo ang ekonomiya ng Singapore. Mas mababa lamang sa Hongkong ngunit di hamak na mas mataas sa Estados Unidos. Dito, nagkalat ang oportunidad para sa makabagong uri ng mga propesyunal. Mas mabilis ang pag-asenso.

Pero bakit maraming kuwento ng kabiguan ang maririnig dito?

Si Mila, 18 anyos, isang DH. Pagkatapos manilbihan ng mahigit tatlong taon sa kanyang among mag-asawang Singaporean, pinilit na mag-resign at humanap ng ibang amo. Ng di siya pumayag na umalis, pinagbintangang nagnakaw ng kuwintas ng amo niyang babae. Nakakulong siya ngayon.

Andyan din si Rosa, 21 anyos. Buong akala niya’y yaya lang ang trabaho niya dito. Pero ngayon, tagaluto, tagalaba, tagaplantsa, tagalinis ng bahay at bantay sa kainang pagma-may ari ng amo niyang Singaporean. Kung matulog, matagal na ang 6 na oras.

Si Loida naman, 23 anyos. Nagpunta dito para maging DH. Ngayon, madalas kong makita sa Lucky Plaza pagsapit ng gabi, iba-ibang lalake kasama. Mga pinsan daw niya.

Marami pang iba. Mayroon pang ginahasa ng among intsik ngunit dahil sa pangakong pera buwan-buwan, nananatiling tikom ang bibig at di umaalis sa kanyang pinagtatrabahuhan.

Iyan ang kabilang mukha ng Singapore. Tama, malinis, ligtas at maunlad. Iyan ay para sa mga white collared workers at professionals. Pero para sa mga DH, Babysitters at iba pang non-skilled workers, ang Singapore ay puno ng pagtitiis, hirap at luha mabigyan lamang ng magandang buhay ang mga mahal na nasa Pilipinas.

Sila ang mga tunay na bagong bayani. Hindi ang kung sino-sinong tao na binibigyang parangal pa sa Malakanyang at pinagkakalooban pa ng malaking halaga ng papremyo sa kongreso.

Gusto niyo bang malaman ang kuwento ni Maan? Ikukuwento ko basta mangangako kayong walang iiyak, ok?


Mag-iwan ng tugon

Ang iyong tugon:

Mga Kategoriya