“Oist, Perito, bumangon ka na’t tanghali na…
“Iyan ang unang mga salitang aking naririnig tuwing umaga. Kumbaga sa radyo, iyan ang aking National Anthem. Iyan ang palatandaan na dapat, mag sign-on na ang araw ko. Araw-araw na ginawa ng Diyos, walang paltos iyan. Garantisadong maririnig ko ang mga katagang iyan mula sa Nanay ko.
Mula nang magkaisip ako, hanggang sa bago ako mag-asawa, si Nanay ang taga-gising ko. Disciplinarian kasi si Nanay. Kailangan maagang gigising pag may pasok kaming magkapatid. Kaso, nang magbuhos ng katamaran sa paggising sa umaga sa mundong ibabaw, nakatulog ako…sa tapat ng alulod. Kaya ayun, madalas sa hindi, nalalaman ng kapitbahay pag ‘di pa ako gising sa umaga.
Si Nanay, mabagsik laluna nung mga bata pa kami. As in mabagsik. Ayaw mong maniwala? Eto sampol.
Kinder ako nun sa isang pribadong paaralan sa Gagalangin, Tondo. Ang assignment na bigay ni Ma’am, i-summarize yung kwento sa libro. Mga sampung pahina lang naman. Pero pagdating kay Nanay, di pwede ang summary lang. Kailangan kabisado mo yung buong kuwento, verbatim. Pati yung tuldok saka kuwit, kailangan alam mo. Kung hindi, matetesting ng ulo mo kung malambot ba ‘yung kober nung libro o hindi.
Si Nanay ko, suplada. Kaya dun sa lugar namin sa Dagat-dagatan, marami ang ilag sa kanya. Kasi nga masungit daw. ‘Di kasi siya ‘yung tipo ng tao na pag walang magawa sa bahay eh yung buhay ng iba ang pinaglilibangan. Saka ‘di siya mahilig magbantay sa gate namin. Di naman kasi siya guwardiya eh.
Pero si Nanay, para sa akin, siya ang The Best Nanay. Kasi naman, sa kabila ng lahat ng hirap sa buhay namin, di niya kami pinabayaan.
Nung nag-resign siya sa trabaho nung 1983, ‘di niya hinayaang maramdaman namin ang hirap ng buhay. Nagtinda siya ng prutas sa Divisoria. Naglako ng tray-tray ng itlog mula sa Tenejeros hanggang Polo, Bulacan as in naglalakad lang siya habang bitbit niya yung labindalawang tray ng itlog bawat kamay.
Nung inilipat niya ako ng eskuwelahan mula private hanggang public, naramdaman ko yung lungkot ni Nanay. Kahit na di niya ipinapahalata. Ganun kasi siya, magaling magtago ng emosyon niya.
Tapos, nung magka-college na ako, naramdaman ko yung lungkot niya ng di niya ako nai-enroll sa kursong gusto ko kasi kapos kami sa pera. Sabi na lang niya sa akin, magtapos daw muna ako nung murang kurso tapos saka na ako mag-abogasya kapag nagkatrabaho na ako.
‘Yung pagtutol ni Nanay nung sinabi kong magwo-working student ako nung college, masarap sa pakiramdam. Kasi, alam naming lahat sa pamilya na mahihirapan kami sa pag-aaral dahil sabay kaming magkapatid na magka-college na. Pero ayaw ni Nanay na pagtrabahuhin kami kasi raw, pag nakatapos na kami sa pag-aaral, habambuhay na kaming magbabatak ng buto.
Nung nakagradweyt ako sa kolehiyo, nakita ko nung umiyak si Nanay. Tuwang tuwa siya.
Pero nung pumunta ako dito sa Singapore, naramdaman ko rin yung dalamhati ni Nanay. Iyak siya ng iyak laluna na nung nalaman niyang pinirmahan ko na yung kontrata ko para makapagtrabaho sa Singapore. Sinisisi nga niya yung asawa ko bakit daw pinayagan ako.
Pero alam niyo, miss na miss ko na si Nanay ko. Wala na kasing nagsesermon sa akin dito. Mabait kasi yung misis ko eh. Si Nanay lang malakas ang loob magsermon sa akin. Sermon pag tanghaling gumigising, sermon pag late sa trabaho, sermon pag ginagabi ng uwi, sermon pag napapalakas ang kain at sermon pag nangangatwiran ako sa panenermon niya. Namimiss ko ng lahat yun.
Lalo na ngayon, unang birthday niya na wala ako.
Di bale Inay, kaunting panahon lang hinihingi ko sa iyo, kaunting panahon lang. At magsasama-sama na ulit tayo. May masesermunan ka na naman. Alam kong tutulungan tayo ng Diyos. Kasi alam kong gift ni Lord sa iyo iyang panenermon.
HAPPY BIRTHDAY INAY…..mula sa Mama’s Boy mong anak….MAHAL NA MAHAL KITA…..at ng buong pamilya ko…laluna ng apo mo….